61-anyos na Lola, nahulog sa balon nasawi

61-anyos na Lola, nahulog sa balon nasawi

Isang nakakalungkot na kaganapan ang nangyari sa Barangay San Sebastian Santa Barbara, Iloilo nitong Martes ng umaga. Ito ay matapos na mapabalitang nasawi ang isang 61 taong gulang na babae na kinilalang si Elizabeth Mendez.


Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nahulog sa isang malalim na balon ang kawawang lola at hindi nailigtas pa

Todo pangungulila ngayon ang kabiyak nitong si Tatay Nestor Mendez dahil sa biglaang pagpanaw ng asawa.

Ayon sa kaniya, posibleng dahil sa pag iigib kaya nalaglag ang kanyang asawa. Marahil ay hindi nito kinaya ang bigat ng baldeng may lamang tubig kaya ito nahulog sa balon na may lalim na 40 talampakan.

Ilang oras pa niya itong hinanap pero bigo siyang matagpuan si Lola Elizabeth.

Mabuti na lang at tyempong mag-iigib din ang kanilang kapit-bahay, kaya nadiskubre ng mga ito ang kinaroroonan ng 61-anyos na matanda.

Pinagtulungan ng mga itong iahon ang katawan ng biktima ngunit wala na itong kahit anong senyales ng buhay.

Inilagak ang labi ng namatay sa kanilang tahanan.

Batid ng marami ang lubos na paghihinagpis ng pamilya sa sinapit ng matanda. Nawa’y gabayan ng maykapal ang pananahimik ng kaniyang kaluluwa.